Umapela ang isang survivor sa Oplan Tokhang o kampaniya kontra ilegal na droga ng nakalipas na Duterte administration sa Korte Suprema para muling buksan ang inihain nitong murder charges laban sa mga pulis noong August 2016 na kumitil sa kaniyang mga kasamahan at muntikang ikamatay rin niya.
Ito ay si Efren Morillo na nakaligtas matapos magpanggap na patay.
Hiniling ni Morillo sa SC na baliktarin ang findings ng Ombudsman na nagbasura sa mga reklamong murder, frustrated murder, at robbery laban kina Police Captain Emil Garcia, Police Staff Sergeant Allan Formilleza, Patrolman James Aggarao Jr., at Melchor Navisaga.
Sa naging desisyon kasi ng Ombudsman, kinilala nito ang pag-amin ng mga respondent ng pagbaril kina Morillo at kaniyang mga kasama bilang isang self-defense.
Subalit ikinatwiran ng mga petitioner sa SC ang hindi paghiling ng Ombudsman sa mga pulis na magbigay ng ebidensiya na self-defense nga ang kanilang ginawa sa kasagsagan ng anti-drug operation.
Ayon sa legal counsel ng petitioners, base sa ruling ng SC, kapag inamin ng akusado ang pagpatay, dapat na patunayan ito kalakip ng malinaw at nakakakumbinsing ebidensiya.
Kayat iginiit ng petitioners sa SC na sa kasong ito, hindi maaaring banggitin ng Ombudsman ang ebidensyang ibinigay ng mga pulis na kumilos sila bilang pagdepensa sa kanilang sarili.
Batay kasi sa mga pulis, armado umano sila Morillo at kaniyang mga kasama subalit negatibo naman si Morillo para sa presensiya ng nitrate powder.
Kaugnay nito, nabigo umano ang Ombudsman na magbigay ng nararapat na paggalang sa mga natuklasang katotohanan at mga hatol sa mga nagdaang kaso sa korte.
Isang malinaw aniya ito na halimbawa ng hindi pagpayag o kawalan ng kakayahan ng Estado na tunay na magsagawa ng imbestigasyon o pag-uusig para sa mga krimen na ginawa sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Hinahadlangan din aniya ng Office of the Ombudsman ang paguusig sa respondents nang walang wastong dahilan at may kinikilingan sa pagkonsidera sa mga ebidensiya.
Samantala, kasama ni Morillo na nagpetisyon sa SC ay sina Maria Belen Daan, Lydia Gabo, at Marilyn Malimban, mga kamag-anak ng mga biktimang nasawi sa Oplan Tokhang noong Agosto 2016.