-- Advertisements --

Isang lalake mula sa St. Louis County sa estado ng Missouri ang nanalo ng $100,000 matapos niyang bumili ng isang lottery ticket gamit ang nakalimutang $10 sa kaniyang bulsa.

Batay sa ulat ng Missouri Lottery, bumili ang hindi na pinangalanang lalake ng lottery ticket mula sa isang lotto store sa St Louis County gamit ang $5 mula sa nahanap na $10 bill.

Ang limang dolyar na natitira ay ginamit umano niya upang bumili ng gasolina.

Agad namang natuwa ang lalake matapos lumabas ang resulta at napunta sa kaniya ang top prize, ilang oras lamang mula nang bumili ng ticket.

Ang top prize ay nagkakahalaga ng $100,000 o katumbas ng P5,835,000.

Kwento ng winner, ilang araw na niyang nakalimutan ang $10 bill na nanatili lamang sa kaniyang bulsa.