Kinumpirma ng infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante na naitala na rin dito sa Pilipinas ang nakamamatay na bacterial infection na streptococcal toxic shock syndrome (STSS) na laganap ngayon sa Japan.
Ayon kay Dr. Solante, ang sakit ay dulot ng karaniwang bacteria na nagdudulot ng pharyngitis o pamamaga ng pharynx subalit maaaring magresulta sa hindi pangkaraniwan at malubhang komplikasyon kapag ito ay kumalat sa daluyan ng dugo.
Paliwanag pa ng eksperto na nag-uumpisa ang naturang impeksiyon sa balat na may sugat na papasukan ng mikrobyo saka pupunta sa dugo na makakaapekto sa sistema ng buong katawan kayat napakabangis aniya ng bacteria na ito na napakabilis kumalat sa katawan.
Saad pa ni Solante na mayroong 30% na mortality rate ito na ibig sabihin maaaring mamatay sa loob ng 24 oras ang isang na-impeksiyon na indibidwal matapos magsimulang makita ang mga sintomas.
Ilan sa mga sintomas nito ay lagnat, pananakit ng katawan, pagkahapo, (pasintabi po) pagsusuka at pangingitim ng sugat na maaaring humantong sa mababang blood pressure at hirap sa paghinga.
Karaniwang tinatamaan ng sakot ang mga indibidwal na may mahinang immune system kabilang ang matatanda at mayroong diabetes at chronic renal failure.
Batay din aniya sa clinical experience, sinabi ni Dr. Solante na ilang mga kaso ng naturang syndrome ang nadetect na sa bansa habang doon sa Japan lumobo na ito sa 900 hanggang 1,000 kaso dahil napakabilis nitong kumalat.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng eksperto ang publiko na magsuot ng face mask at hugasang mabuti ang mga sugat kung meron man habang ang mga nakakaranas naman ng sintomas ng sakit ay dapat na agad na komunsulta sa doktor para sa malapatan ng lunas.