-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Magpapatuloy ngayong araw ang isasagawang assessment ng mga kawani ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) sa naging pinsala matapos sa malakas na pagyanig kagabi.

Sa paglilibot ng Bombo patrol ng GenSan, nakita ng team ang pagbagsak ng ilang bahagi ng kisame sa SM Mall-GenSan malapit sa activity center.

Ngunit kaagad namang naibalik sa normal ang operasyon ng nabanggit na mall at pinayagan ang mga mall goers na mamili at makapasyal matapos matiyak na walang major damage na nangyari.

Bagamat walang nasaktan sa pangyayari, nagdulot pa rin ng matinding takot sa mga tao ang malakas na pagyanig na resulta ng pagpanic at mabilis na pagtakbo palabas ng mall.

Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan sa ilang mga mall goers, inihayag ng mga ito na nakarinig sila ng malakas na pagsabog sa kasagsagan ng pagyanig habang namimili sa grocery store.

Samantala wala namang iba pang naiulat na may mga buildings, establisyemento at kalsada sa lungsod na nagkaroon ng bitak.

Sa kabila ng malakas na pagyanig ay may suplay pa rin ng kuryente sa buong lungsod.

Sa kasagsagan ng lindol, nasaksihan ang paggalaw ng mga magagaan na gamit na nakasabit sa dingding at kisame sa himpilan Bombo Radyo GenSan habang nakaramdam ng pagkahilo ang ilang mga empleyado.

Samantala, wala namang inilabas na tsunami warning ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa lungsod bunsod ng malakas na pagyanig.

Batay sa report mula sa Phivolcs ang sentro ng lindol ay natukoy sa 92 kilometro southeast ng Governor Generoso, Davao Oriental na may lalim ito na 76 kilometro at tectonic in origin.

Kasabay ng naturang pagyanig ay nailtala ang Intensity IV sa General Santos City, sa mga bayan ng Alabel at Kiamba sa Sarangani Province at maging sa Davao City; Intensity III sa Kidapawan City; Intensity II sa Bislig City at Intensity I sa Cagayan de Oro City.

Naramdaman din ang pagyanig maging sa Mati City kung saan nakapagtala ng Intensity V.