-- Advertisements --

LA UNION – Kinumpiska ng mga kawani ng militar ang mga nakatagong matataas na uri ng sandata na pag-aari umano ng Communist Terrorist Group sa magkahiwalay na lugar sa Luzon.

Nabatid ng Bombo Radyo mula sa 7th Infantry (Kaugnay) Division, Philippine Army, na kabilang sa mga natuklasan ang tatlong high powered firearms, magazines, ammunition, bandoleers, at rifle grenades na nakatago sa Barangay Calipayan, Sta. Ignacia, Tarlac.

Pinaniniwalaan na ang mga naturang kagamitang pandigma ay pag-aari ng alias “Gorio” na notorious supporter at kasapi ng Komiteng Larangang Guerilla Tarlac – Zambales, Komiteng Rehiyong – Gitnang Luzon.

Samantala, nakuha rin ng mga otoridad ang dalawang Colt M16 rifles, dalawang ELISCO M16 rifles, isang ELISCO M653 rifle, dalawang long magazines, tatlong short magazines, isang rifle grenade, 65 piraso na 5.56 live ammunition, at tatlong bandoleers sa Barangay San Gabriel 2nd, Bayambang, Pangasinan na pinaniniwalaan na pag-aari ng Communist Terrorist Group.

Ayon kay Major General Alfredo V. Rosario Jr., Commander ng 7th Infantry (Kaugnay) Division, Philippine Army, na ang matagumpay na pagkakakumpiska ng mga nabanggit na sandata ay dahil sa pagbibigay ng impormasyon sa kanilang hanay ng mga mamamayan na tutol sa presenya ng Communist Terrorist Group sa mga nasabing lugar.

“May malaki at mahalagang papel ang ating taumbayan sa ating laban upang wakasan ang terorismo. Kaya naman hinihikayat natin ang ating peace-loving communities na magbigay ng tamang impormasyon na makakatulong sa ating pagsugpo sa masasamang balakin ng teroristang grupo,” MGEN Rosario Jr..