GENERAL SANTOS CITY – Hahabulin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang itinuturong cultivator ng mahigit 13,000 fully grown marijuana kahit na ito’y nagtatago.
Ito’y sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso matapos matunugan ang pagdating ng mga otoridad.
Ayon kay PDEA-Region 12 Director Naravy Duquiatan, idadaan sa regular filling ang paghabol sa suspek na si Jimben Sinaya ng Sitio Bong Sbang, Danlag, Tampakan, South Cotabato matapos nakuhanan ng P2.6-million na marijuana.
Matapos mapasakamay sa PDEA ang mga ebidensiya laban sa suspek ay gagawin na nila ang pagsasampa ng kaso sa susunod na linggo.
Una rito, pinasok ng mga operatiba ang nasabing lugar at tumambad ang mga puno ng marijuana.
Masyado umanong malayo ang lugar subalit may nakapag-tip sa mga otoridad sa nasabing marijuana plantation.
Tinitingnan din ang posibilidad na matagal ng source ng marijuana sa rehiyon ang suspek.