-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Nagkakaroon na ng looting incident sa mga establisyimento sa California kasunod ng 6.4 magnitude at 7.1 magnitude na lindol noong nakaraang linggo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kinumpirma ni Professor Gabriel Ortigoza ng University of California Davis, na may mga ibang residente na pumapasok sa mga biyak na bintana ng mga establisyimento partikular ng mga grocery stores at nagnanakaw ng mga de latang pagkain maging ng wine.

Ngunit nilinaw ni Ortigoza na isolated incident lamang ito, base na rin sa mga ulat na lumalabas dahil kontrolado ng mga otoridad ang kapayapaan at kaayusan doon.

Sa ngayon aniya, patuloy ang monitoring ng United States Geological Survey kasama ang kanilang Fire Department para mag-survey sa mga lugar katulad ng electric power lines na maaring maging sanhi ng sunog kung magkaroon muli ng malakas na aftershocks.

Gumagawa naman na aniya ng tent at sa bakuran na lamang natutulog ang mga residente sa California sa takot na gumuho at matabunan sa loob ng kanilang tahanan.