-- Advertisements --
wiliiam dar
DA Sec William Dar

Ipinagmalaki ng Department of Agriculture na halos P10 billion na ang nakolektang taripa mula sa mga inaangkat na bigas mula sa ibang bansa.

Sa pagtatanong ni Albay Rep. Edcel Lagman sa budget briefing sa Kamara, sinabi ni Agriculture Sec. William Dar na aabot na sa P9.2 billion ang nakokolektang taripa mula sa mga rice imports.

Ito ay noong magsimulang gumulong aniya ang implementasyon ng Rice Tariffication Law na nagtatanggal sa Quantitative Restriction (QR) ng mga inaangkat na bigas kapalit ang ipinapataw na taripa.

Inaasahan ni Dar na papalo ng hanggang P15 billion ang makokolektang taripa ng pamahalaan hanggang sa katapusan ng taon mula sa batas na ito.

Samantala, sa gitna ng pagbaba ng presyo ng kada kilo ng palay, sinabi ni Dar na ang mga lokal na magsasaka pa rin sa huli ang magbebenepisyo mula sa RTL.

Ipinapangako kasi ng batas ang P10 billion halaga ng Rice Enhancement Competitive Fund (RCEF) kada taon bilang ayuda sa mga magsasakang apektado ng “birth pains” ng RTL.

Sinabi ni Dar na noong Agosto lamang nailabas ang special release order (SARO) para sa paunang P5 billion na RCEF subalit hindi pa aniya ito available sa ngayon para sa mga apektadong magsasaka.