DAVAO CITY – Nakatakdang isailalim sa laboratory examination at pagsusuri ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-11 ang mga ibon at iba pang hayop na iligal na ipinasok sa bansa mula Indonesia.
Una nang nakatanggap ng impormasyon ang DENR patungkol sa daan-daang mga hayop na galing Indonesia ang iligal daw na ipinasok sa bansa partikular sa Mati City.
Mahigit sa 400 na ibon at iba pang hayop ang nakuha sa operasyon kung saan bawat isa ay aabot sa P100,000 hanggang P300,000 ang halaga.
Kabilang sa mga nakumpiska ang black palm Cockatoo, Sulphur Crested Cockatoo, mga Lory birds, lizards, at Walla Bee.
Nabatid na mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang iligal na pagpapasok ng mga livestock at ibon dito sa bansa dahil iniiwasan ang pagpasok ng mga sakit na posibling dala nito.
Kaugnay nito, sa kulungan ang bagsak ng dalawang suspek na itinurong nag-aalaga ng mga hayop na galing Indonesia.
Nakilala ang dalawa na sina Joel Toledo at Lumpas Lomacore.
Anila, pinababantayan lamang sa kanila ang nasabing mga hayop at hindi nila alam kung saan galing ang mga ito.