-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Suportado ng matataas na opisyal ng gobyerno ang localized peace talks na kakabit ng Executive Order 70 na siyang magiging pangunahing tema ng pagtitipon sa Legazpi City sa darating na Agosto 19 hanggang 20.

Nasa 400 ang inaasahang dadalo mula sa mga gobernador ng anim na lalawigan sa Bicol, local chief executives, committee chairman sa peace and order councils sa Sangguniang Panlalawigan at Panglungsod, Liga ng mga Barangay chairmen, kinatawan ng mga Indigenous Peoples, religious organizations at iba pang national government officials.

Ayon kay Presidential Assistant on Bicol Affairs Usec. Marvel Clavecilla sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kailangan ang pagtutulungan ng mga lokal na opisyal upang makamit ang kapayapaan at kaunlaran na hindi sa pamamagitan ng military approach.

Layunin ng nilikhang Task Force Katoninongan sa pamumuno ng OPABA na maibigay ang pangangailangan ng mga kababayang nasa liblib na lugar maging ang mga rebelde na mahikayat na bumaba na at isuko ang armas.

Ayon pa kay Clavecilla, nasa 3,000 hanggang 4, 000 na lamang ang puwersa ng armadong grupo subalit aminadong malaki pa rin ang saklaw ng impluwensiya nito.

Bukas naman aniya ang gobyerno na muling tanggapin ang mga ito sa lipunan sakaling magbalik-loob.