CENTRAL MINDANAO – Tumaas pa ang bilang ng mga pasyente na namamatay matapas dapuan ng Coronavirus Disease (Covid 19) sa Rehiyon 12.
Ito ang inilabas na pinakahuling datos ng Department of Health (DOH-12).
Bago lang ay 10 ang naitalang nasawi sa nakakahawang sakit at umakyat na sa 426 ang COVID-19 related deaths sa rehiyon.
Anim sa mga binawian ng buhay ay mula sa South Cotabato, dalawa rito ay taga Polomolok, habang may tig-iisa naman sa Tacurong, Koronadal, T’boli, at Tantangan.
Tatlo naman ang binawian ng buhay sa syudad ng Heneral Santos habang may isang nasawi sa Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Batay sa COVID-19 data tracker ng DOH ang Soccsksargen region ay nakapagtala ng 3,012 active cases, dagdag na 269 cases at 251 ang mga bagong nakarekober sa sakit.
Dahil dito, pumalo na sa 14,232 ang total coronavirus infections habang nasa 10,792 naman ang total recoveries.
Nanguna sa may pinakamaraming bilang ng mga bagong kaso ang General Santos City na umabot sa 75, pumangalawa ang South Cotabato na may 72 COVID infections, pangatlo ang North Cotabato na may 56 new cases, Sultan Kudarat 53 habang ang Sarangani ay may 13 bagong kaso.
Sa bilang naman ng mga gumaling, 76 ay mula sa General Santos City, 70 sa South Cotabato, 47 Sarangani, 46 Sultan Kudarat at 12 naman sa North Cotabato.