-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Tukoy na ng pamilya ang mga suspek sa dalawang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na pinagbabaril patay sa lungsod ng Cotabato.

Nakilala ang mga biktima na sina Norhamin Antao Pakiladatu, 26 anyos, binata at residente ng Barangay Bulalo Sultan Kudarat Maguindanao at Badrudin Intam Balono, 33 anyos, may asawa at nakatira sa Matalam North Cotabato.

Ayon kay Cotabato City Police Director Colonel Richard Fiesta na habang magka-angkas ang mga biktima sa Yamaha Sniper 150 na motorsiklo sa De Mazenod Street Barangay Rosary Heights 3 sa lungsod nang bigla silang dikitan ng riding in tamdem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre.45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa liblib na lugar sa siyudad ng Cotabato.

Naisugod pa sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) ang mga biktima ngunit hindi na sila umabot ng buhay pagkatapos magtamo ng tama ng bala sa kanilang ulo at likod.

Nangako naman ang pamilya ng mga biktima na makipagtulungan sa mga otoridad sa pagtukoy sa mga salarin.

Personal na alitan ang natatanaw ng mga otoridad sa pamamaril patay sa mga biktima na patuloy nilang iniimbestigahan.