-- Advertisements --

Nakilala na ng mga otoridad ang dalawang suspek sa pamamaril na ikinamatay ng isang salon owner sa kanilang pwesto sa bahagi ng Daproza Street, General Santos City noong Miyerkules, Enero 15, 2025, bandang 6:55 ng gabi.

Ito ay kinumpirma ni P/Capt. Cyrus Vince Arro ng Pendatun Police Station sa panayam ng Bombo Radyo.

Gayunpaman, hindi pa isinapubliko ng mga awtoridad ang mga pangalan dahil patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon at hot pursuit operation upang mahuli ang mga suspek.

Tinukoy ang biktima na si Renante Tampus, 34, residente ng Uhaw, Brgy. Fatima sa nasabing lungsod.

Pumasok umano ang suspek na biglang bumunot ng baril at nagpaputok sa loob ng salon.

Makikita sa CCTV footage na ilang beses pang pabalik-balik ng suspek upang masiguro na tinamaan ang biktima.

Matapos ang pamamaril ng gunman, tumakas ito gamit ang isang motorsiklo kasama ang isa pang suspek na nagsilbing look-out.

Samantala, dinala naman ang biktima sa ospital ngunit binawian na ng buhay.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng Cal.35 at Cal .38.

Ayon sa imbestigasyon, personal na alitan ang nakikitang motibo sa pamamaril dahil base sa partner ng may-ari ng salon, nakatanggap na si Tampus ng maraming death threats mula sa mga dating kasosyo sa negosyo.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang hot pursuit operation ng mga awtoridad upang mahuli na ang mga suspek at masampahan ng kasong murder.