LEGAZPI CITY – Posibleng may kinalaman umano sa pagputok noong 2018 ang namataang pamamaga sa katawan ng Bulkang Mayon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Phivolcs Supervising Research Specialist Winshell Sevilla, may mga materyales pang hindi nailalabas sa bulkan.
Nakitaan ng pamamaga ang bulkan sa gitna at ibabaw subalit nananatili namang mababa ang asupreng ibinubuga na nasa 288 tonnes per day batay sa pagsukat noong Pebrero 17, 2020.
Ipinaalala ni Sevilla na nasa Alert Level 2 status pa ang bulkan kaya posible pa ang mga phreatic eruption at hindi rin pinapayagan ang pagpasok sa 6-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ).
Unstable rin aniya ang mga aktibidad ng Mayon na puwedeng magdulot ng lava collapse, steam-driven phreatic eruption, rockfall mula sa lava dome at iba pa.
Samantala, walong lindol naman at isang rockfall event ang naitala sa bulkan sa nakalipas na mga oras ayon sa Phivolcs.