DAVAO CITY – Walang nakitang mga basura bagkus ay dalawang mga pusit lamang ang narekober sa tiyan ng namatay na balyena na napadpad sa baybayin ng Tagum City kahapon.
Sa isinagawang necropsy ng American marine biologist na si Darrell Blatchley, sinabi nito na posibleng dahil sa paggamit ng dinamita at ang nararanasan na malakas na lindol ang ikinamatay ng 300 kls at 9.5ft young adult pygmy sperm whale.
Sinabi rin ni Blatchley na wala siyang nakikita na plastic sa tiyan ng balyena hindi kagaya ng naunang mga balyena na namatay at napadpad rin sa baybayin na sakop ng Davao region.
Napag-alaman na ito na ang ika-apat na namatay na balyena sa loob lamang ngayong taon.
Sa kasalukuyan, pinag-aaralan pa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR-11) ang sample na kinuha sa balyena para malaman kung ano ang ikinamatay nito.
Kung maalala, nanawagan si Blatchley sa publiko na iwasan ang pagtapon ng basura sa baybayin dahil kinakain umano ito ng mga balyena.