(Update) BACOLOD CITY – Kinumpirma ng Negros Occidental Police Provincial Office (NOPPO) na supplier ng illegal drugs sa Negros at Panay Islands ang alleged drug group leader na namatay sa buy bust operation kahapon.
Una rito, patay si Leoner Jalandoon ng Sitio Sibucao, Barangay Banago, Bacolod City, matapos umanong manlaban sa mga pulis na nagsagawa ng buy bust operation sa Victorias City, Negros Occidental.
Pasado alas-8:00 ng umaga nang nabilhan ng P27,000 na halaga ng suspected shabu si Jalandoon, 44-anyos, sa bahay na kanyang inuupahan sa Salvacion Subdivision, Barangay 6, Victorias City.
Ayon kay NOPPO director Police Colonel Romeo Baleros, naiabot na kay Jalandoon ang buy bust money ngunit nanlaban sa poseur buyer nang kanyang nahalata na isa itong pulis.
Dahil dito, napilitan ang operatiba na barilin si Jalandoon sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sa imbentaryo ng pulisya, nakuha sa loob ng kuwarto ni Jalandoon ang kabuuang 102 sachets ng suspected shabu kabilang ang buy bust item na tinatayang P2.7 million.
Nakumpiska rin ang isang .38 caliber revolver at isang granada.
Samantala, hinuli rin ng kapulisan ang live-in partner ni Jalandoon na si Janine Cruz, 18-anyos at residente ng Barangay 16, Bacolod City.
Ayon kay Baleros, nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangalan ni Jalandoon na malaking drug personality sa Negros Occidental.
Marami rin aniyang naarestong drug pushers ang nagsabi na nagsu-supply ng shabu sa Negros at Panay si Jalandoon.