BAGUIO CITY – Umabot sa 4,355 ang bilang ng mga botong natanggap ng isang namatay ng kandidato sa pagka-vice mayor sa bayan ng Bauko sa lalawigan ng Mountain Province batay sa official results ng katatapos na midterm elections.
Una rito, Aprill 11 ay pumanaw si Ricky Samidan, isang incumbent councilor ng nasabing bayan sa kasagsagan nang pagtakbo niya sa pagkabise-alkalde.
Dahil sa pagpanaw ni Samidan ay pumalit sa kanya ang kanyang ama na si Rodolfo Samidan noong April 24 at magsisilbi ito hanggang sa June 30.
Nakasaad naman sa Comelec Resolution No. 10430 na bawal ang pag-substitute sa sinumang independent candidate.
Ipinaliwanag ni provincial elections supervisor Atty. Ricardo Bulintao na bilang consequence ay lahat ng matatanggap na boto ni Samidan ay maikokonsiderang “stray votes.”
Nakasama ang pangalan ni Samidan sa official ballot at sa certified list of candidates sa katatapos na halalan.
Inihayag ng pamilya Samidan na ikinampanya at ibinoto pa rin nila ang pumanaw ng kandidato bilang pagpapakita sa suporta at pagmamahal nila rito.
Samantala, nanalo bilang bise-alkalde ng Bauko, Mountain Province si Bartolome Badecao.