VIGAN CITY – Umabot na sa 22 ang bilang ng mga nasawi sa magkasunod na lindol na naganap sa Mindanao noong nakaraang linggo.
Ito ay batay sa pinakahuling record ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ayon kay NDRRMC-Office of Civil Defense spokesman Mark Timbal sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan.
Sa nasabing record, naidagdag sa bilang ng casualty ang isang babae na nauna nang naipaulat na nasugatan na nakilalang si Melecia Jamero Siega ng Brgy. Buena Vida, Makilala, Cotabato na nabagsakan umano ng debris matapos ang lindol noong October 31.
Bukod sa mga nasawi, mayroon pang higit 400 na nasugatan at nananatili sa dalawa ang nawawala.
Kasabay nito, muling tiniyak ni Timbal na hindi umano mapapatid ang tulong na matatanggap ng mga residenteng naapektuhan ng paglindol sa Mindanao dahil patuloy ang pagpapadala ng national government sa pamamagitan ng mga concerned agencies sa mga relief support sa mga apektadong residente.