Mananatili bilang accredited citizen’s arms ng Commission on Elections (Comelec) ang poll watchdogs na National Movement for Free Elections (NAMFREL) at Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) para sa 2025 midterm elections.
Ito ay matapos ang deliberasyon para sa pag-apruba sa pagpapatuloy ng accreditation ng 2 poll watchdog bilang citizen’s arms sa lahat ng halalan, plebisito, recalls at referenda base sa inilabas na 2 pahinang desisyon ng Comelec sa media ngayong araw ng Huwebes.
Kaugnay nito, pinagsusumite ang poll watchdogs ng kompletong listahan ng mga opisyal kabilang ang kanilang mga coordinator sa iba’t ibang lugar sa bansa gayundin ang komprehensibo o detalyadong plano at aktibidad para sa 2025 NLE at report ng accomplishments at rekomendasyon matapos ang halalan.
Sinabi ng Comelec na ang non-compliance dito ay magreresulta sa revocation o pagbawi sa pagpapatuloy ng accreditation ng nasabing election watchdogs.
Ang citizen’s arm nga ay naatasan na tumulong sa Comelec para sa voter registration campaign, pagtiyak sa integridad ng listahan ng mga botante at tumulong sa voter education at information activities.
Inaatasan din ang citizen’s arm na tumulong sa Comelec sa paghahanda sa halalan, pagtatalaga ng citizen watchers sa polling precincts at tutulong din sa komisyon sa mga aktibidad pagkatapos ng halalan kung kinakailangan.