VIGAN CITY – Kumambiyo ang National Movement for Free Elections (NAMFREL) sa alegasyong mayroong dayaang nangyari noong nakalipas na May 13 midterm elections.
Ito ay may kaugnayan sa pagsang-ayon ng NAMFREL sa bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang kunin ng Commission on Elections (Comelec) ang serbisyo ng kompanyang Smartmatic sa mga susunod na halalan sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NAMFREL national chairman Gus Lagman na hindi umano nito sinasabi na hindi mapagkakatiwalaan ang naging resulta ng nasabing halalan at mayroong dayaang nangyari sa pag-sang-ayon nito sa sinabi ni Pangulong Duterte sa pagharap nito sa Filipino community sa Japan nitong nakaraan.
Ipinaliwanag ni Lagman na ang nais lamang umano niyang ipahiwatig ay madali lamang umanong madaya ang automated system ng halalan dahil sa software na kayang-kayang ayusin ng mga technician ng nasabing kompanya.
Aniya, marami na umano ang mga nagrereklamo sa serbisyo ng Smartmatic simula noong una itong ginamit sa automated election kaya hindi umano nalalayo na maaaring madaya ang ipalabas na resulta ng kanilang sistema.
Dahil dito, muli na namang sinabi ng opisyal na mas maganda umanong ibalik ang manual counting sa mga polling precincts at hayaan na automated ang transmission ng mga resulta.