VIGAN CITY – Iminungkahi ng National Movement For Free Elections (NAMFREL) na maibalik sa manual counting ang mga presinto sa mga susunod na election para maiwasan umano ang mga aberya kagaya na lamang ng pagpalya ng mga vote counting machine at corrupted SD cards.
Ito ay matapos maiulat na maraming VCM ang nag-malfunction at libong SD cards ang nasira noong May 13 midterm elections kaya mayroong mga presinto ang na-delay sa botohan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi pa ni NAMFREL national chairman Gus Lagman na dapat ay maimbestigahan ang proseso ng bidding na isinagawa ng Commission on Elections (Comelec) para sa supplier ng SD cards na nagamit noong Lunes.
Aniya, mahalaga umanong malaman ang kalidad ng nagamit na SD card, kung sino ang manufacturer at supplier, pati na ang proseso ng bidding upang malaman kung sino ang dapat sisihin sa mga nangyaring aberya sa katatapos lamang na eleksyon.
Maliban pa dito, nais ding maimbestigahan ng nasabing opisyal ang mga nagamit na marking pen dahil may ilan na nagreklamo sa kanila na mahirap umanong matuyo ang tinta na nagamit at tumatagos ito sa likurang bahagi ng balota kung nasaan ang listahan ng mga party-lists.