DAVAO CITY – Isang buwan bago isagawa ang 2019 midterm elections, inihayag ng National Citizen’s Movement for Free Election (Namfrel) na hindi pa sila na-accredit ng Commission of Election (Comelec) bilang election watchdog.
Ayon kay Namfrel secretary general Eric Jude Alvia, naghain na sila ng request para sa accreditation noon pang nakaraang Disyembre 2018.
Ngunit wala umanong ginagawang hakbang ang Comelec patungkol dito.
Dagdag ni Alvia, ang poll watchdogs Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at Bangsamoro Free Election Movement ang accredited na ngayon ng Comelec.
Inihayag din ng Namfrel na ang kanilang grupo ay magbabago rin ng kanilang core monitoring activity sa pagsasagawa ng parallel vote tabulation o Operation Quick Count dahil sa automated election system (AES) na sinimulan noong 2010.
Maliban sa monitoring sa AES at pag-assist ng Comelec sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Random Manual Audit, layunin din ng Namfrel na magsagawa ng Open Election Data Website kung saan ang transmission at tabulation sa election results ang imo-monitor base sa oras.
Umaasa na lamang ngayon si Alvia na makapagdesisyon ang Comelec na ikonsidera kaagad ang kanilang accreditation.
Sinasabing nasa 30,000 hanggang 40,000 ang kanilang mga volunteers sa buong bansa.