VIGAN CITY – Hindi naiwasang kwestyunin ng National Movement for Free Elections (NAMFREL) ang transparency ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng hindi nila pagsang-ayon na magkaroon sila ng open access sa mga election data na kailangan para sa nalalapit na May 13 midterm elections.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NAMFREL secretary general Eric Alvia na kung wala umanong agam-agam ang Comelec sa sistema ng halalan ngayong taon ay bakit hindi na lamang nila sana ibinigay sa kanila ang access sa mga impormasyong hinihingi nila.
Idinagdag pa nito na ang tanging kagustuhan lamang umano ng NAMFREL ay matulungan ang Comelec na magpaliwanag kung mayroong mga paratang laban sa halalan na hindi naman totoo, kagaya na lamang ng mga iba’t ibang isyu na naglabasan noong nakalipas na linggo hanggang sa kasalukuyan na maaaring makaapekto sa integridad ng election process.
Binigyang-diin nito na kung wala umanong balak ang poll body na pagbigyan ang kanilang kahilingan, wala rin daw silang balak na baguhin ang kanilang desisyon na kumalas bilang citizen’s arm ng nasabing ahensya sa darating na halalan.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Comelec spokesman James Jimenez sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, na hindi lahat ng kahilingan ng isang grupo ay maaari nilang pagbigyan lalo pa’t hindi lamang access ang hinihingi ng NAMFREL sa kanila kung hindi mayroon pa umano silang planong gawin sa mga data na kanilang hinihingi na siyang pinag-iingatan ng poll body.
Aniya, bukas pa rin naman umano ang kanilang tanggapan kung sakali mang magbago ang isip ng NAMFREL.