-- Advertisements --
people voters election polls precinct midterm
election

VIGAN CITY – Tinututulan umano ng isang election watchdog ang itinutulak ng mga mambabatas na ipagpaliban ang isasagawang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa susunod na taon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay National Movement for Free Election Secretary General Eric Alvia, sinabi nito na wala umano silang nakikitang rason upang maipagpaliban muli ang nasabing halalan.

Aniya, kahit higit sa dalawang taon lamang ang panunungkulan ng mga nakaupong barangay at SK officials ngayon, sapat na umano ito upang magampanan at maipatupad nila ang kanilang mga nasimulang programa at proyekto.

Idinagdag pa nito na ang ipinapakitang determinasyon ng ilang mambabatas na ipagpaliban ang nasabing halalan ay pagpapakita rin umano na hindi nila gustong gumastos para sa susunod na taon dahil mas gusto nilang ilaan na lamang ang pondo para sa halalan sa ibang mga bagay na mapakikinabangan nila.

Binigyang-diin pa nito na ang halalan na lamang ang tanging kapangyarihan ng mga mamamayan upang mapili kung sino ang mga uupong opisyal sa kanilang barangay.