-- Advertisements --
Screenshot 2020 06 06 16 33 03

ROXAS CITY – Maluha luha ang mag-asawang senior citizen habang tinanggap ang tulong na ipinagkaloob sa kanila ng isang 20-anyos na dalaga na galing sa napanalunang Tiktok Challenge.

Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Christian Joyce Fabellori ng Barangay Poblacion, Mambusao, Capiz sinabi nitong naantig ang kanyang kalooban ng makita ang mahirap na sitwasyon ng mag-asawang Fulderico at Visitacion Gialen sa Barangay Duran, Dumalag.

Nagkainteres si Fabellori sa sitwasyon ng mag-asawa matapos i-mention ang kanyang pangalan sa isang facebook post ng isang kaibigan.

Aminado ito na hindi niya naiwasang mapaluha ng aktwal na makita ang tinitirhan ng mag-asawang Gialen, kung saan napaisip ito kung paano sila nabubuhay at saan sila kumukuha ng kanilang makakain sa araw araw.

Dahil dito ay nagdesisyon si Fabellori na gamitin ang napanalunang pera sa Tiktok Challenge sa pagbili ng ilang kagamitan at groceries na kailangan ng mag-asawa.

Samantala hindi naman matapos tapos ang pasasalamat ni Lolo Fulderico at Visitacion Gialen kay Fabellori kung saan tinawag pa itong anghel na ipinadala ng langit.