KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pamamaril-patay sa nanalong Barangay Kagawad ng Poblacion 3, Midsayap, Cotabato.
Kinilala ng Midsayap PNP ang nasawing Barangay Kagawad na si Suharto Mascud Antilino, 35 anyos, may asawa at naiproklamang Barangay Kagawad ng kanilang lugar.
Ayon kay Police LtCol. John Miridel Calinga, hepe ng Midsayap PNP, lumabas kanilang imbestigasyon na nangyari ang pamamaril kay Kagawad Antilino sa kanilang compound nang lumabas ito sa kanilang bahay.
Dagdag pa ng opisyal, nag-usap pa umano ang magpinsan bago ang pamamaril at nasambit ng suspek ang mga katagang “Huwag kang ganyang, insan”, sa dayalektong Maguindanaon.
Hindi pa batid ng PNP kung ano ang pinag-awayan ng dalawa na humantong sa pamamaril ng suspek gamit ang caliber .45 pistol.
Nagtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Narekober naman ng pulisya ang isang basyo ng calibre 45 baril na sa ngayon ay dinala na sa PNP Provincial Forensic Unit 12, Kidapawan City para sa Ballistic and Cross Matching Examination.
Habang dinala naman ng kanyang kaanak ang bangkay ng nasawing kagawad.
Personal grudge ang dahilan ng krimen at hindi rin ito election related incident.
Patuloy naman na pinaghahanap ng mga otoridad ang suspek.