CAGAYAN DE ORO CITY-Posibleng hindi makaupo sa pwesto ang nanalong bise alkalde ng Gingoog City na si Outgoing Misamis Oriental 1st District Cong. Peter Unabia.
Itoy matapos kinansela umano ng Comelec Manila first division ang kandidatura ni Unabia dahil sa residency issue.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Comelec-10 Reg Dir Atty Reynato Magbutay na nakatanggap ng order ang election officer ng Gingoog City mula sa Comelec Manila kung saan nakasaad ang pagkansila nito sa kandidatura ng kongresista.
Ayon kay Magbutay pinaburan ng COMELEC ang petisyon ni Atty. Miguel Padilla Paderanga na kumikwestiyon sa residensiya ni Unabia.
Una nang iginiit ni Atty. Paderanga na hindi pa umabot ng isang taon ang residensiya ng kongresista sa Brgy. San Luis, Gingoog City kung kaya’t di’ siya pwedeng tumakbo pagka-bise alkalde ng lungsod.
Ang desisyon ng Comelec Manila ay pirmado nila ni Commissioner Al Pareño, Ma. Rowena Guanzon at Marlon Casquejo.
Napag-alaman na tinalo ni Unabia sa nakaraang May 13 midterm elections ang kanyang mahigpit na kalaban na si Stella Marie Guingona, anak ni dating Vice Pres. Teofisto Guingona.