-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Alitan sa pamilya ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pananambang sa apat katao sa lalawigan ng Maguindanao.

Una nang nakilala ang mga biktima na si Saprola Buday, brgy kapitan ng Brgy Dungguan, Datu Montawal, Maguindanao at ang kanyang tatlong kasamahan na sina Norodin Omar, Ali Baganlan at Salipada Malalag.

Ayon kay Datu Montawal Mayor Datu Otho Montawal na galing ang mga biktima sa MPOC, MADAC at DRRMC meeting sa municipal hall sa bayan ng Datu Montawal at papauwi na sana sa kanilang tahanan sakay ng isang Toyota Revo ngunit pagsapit nila sa Brgy Layog, Pagalungan, Maguindanao ay bigla silang dinikitan nang riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Pagalungan.

Agad na dinala sa pagamutan sa Kabacan, North Cotabato ang mga biktima ngunit dahil maselan ang kanilang kondisyon ay agad silang inilipat sa isang ospital sa Davao City.

Noong nakaraang taon din ay sumiklab ang labanan sa Brgy Dungguan sa pagitan ng pamilya ni Buday at ilang armadong pamilya.

May pagkakilanlan na umano ang mga otoridad sa mga suspek na nanambang sa mga biktima at patuloy nilang pinaghahanap ang mga ito.