MANILA – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na positibo rin sa coronavirus disease (COVID-19) ang nanay at kasintahan ng lalaking na-detect na may UK variant ng SARS-CoV-2.
“Yung girlfriend initially tested negative, pero nung nag-reswab tayo she turned positive. And the mother nung na-swab, ang resulta positive,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.
Bukod sa nanay at girlfriend, nag-positibo rin sa COVID-19 ang isa mula sa 49 na iba pang close contacts ng lalaki. Negatibo naman ang 47 iba pa matapos ang swab test.
Ayon kay Vergeire, lima ang close contacts ng UK variant case mula sa kanilang bahay. Kabilang na rito ang kanyang nanay at kasintahan.
Kinumpirma naman ng DOH spokesperson ang report ng Philippine Red Cross na walo sa 159 na kapwa pasahero ng UK variant case ang nag-positibo rin sa COVID-19.
“Dito sa walo, we tried doing the re-swabbing. Although itong lahat ng na-contact natin na 153 (passengers), they are all isolated. So we are left with six.”
“This morning may report sa akin mayroon na rin tayong nahanap na additional two, so apat na lang ang natitirang hindi natin nahahanap.”
Ipinadala na raw sa Philippine Genome Center (PGC) ang specimen ng mga nag-positibong close contact para sa “genome sequencing.” Dito malalaman kung ang UK variant ng SARS-CoV-2 ang tumama sa kanila.
Kung susumahin, aabot daw sa 213 ang kabuuang bilang ng close contacts ng lalaki.
Magugunitang sinabi ng Quezon City government na residente ng Brgy. Kamuning ang nag-positibo sa UK variant.
‘CT VALUE‘
Nilinaw ng opisyal na kahit nag-positibo sa COVID-19 ang ilang close contacts, hindi naman pare-pareho ang kanilang “cycle threshold (CT) value.”
Ibig sabihin, hindi lahat ng samples ng mga nag-positibo sa COVID-19 ay idadaansa “genome sequencing.”
Batay sa datos na natanggap ng ahensya, mas mataas sa 30 ang CT value ng samples ng walong pasahero. Pati na ang samples ng nanay ng lalaki.
“We don’t know kung tatanggapin din ng PGC para magkaroon ng sequencing.”
“Hindi lang positive ang tinitingnan (ng Philippine Genome Center) para makasama sa processing. Kailangan CT value of less than 30. Mas ideal yung talagang mababa ang CT value para makasama sa sequencing at accurate ang resulta natin.”
Paliwanag ni Vergeire, CT value ang sukatan ng viral load o antas ng impeksyon ng virus sa tao.
Ayon sa opisyal, maituturing na “low viral load” ang infection kung ang CT value ng indibidwal na may COVID-19 ay higit sa 30.
“Itong CT value, ito yung indication ng viral load para sa laboratory results… kapag ang CT value ay mataas, ibig sabihin ang viral load mo ay mababa. It’s inversely proportional. Kapag mababa naman ang CT value mo, ibig sabihin mataas ang viral load.”
Samantala, natukoy naman na recovering patient ang isa pang close contact na nag-positibo rin sa COVID-19.
“Yung isang nag-positive na lumabas dito sa 49 na close contacts, nung tiningnan natin ang CT value niya ay 30. Further investigation revealed that this person was a recovering patient already.”
Ayon kay Vergeire, malaki ang tsansa na mag-positibo pa rin sa RT-PCR test ang isang gumagaling nang pasyente dahil kayang ma-detect ng nasabing test ang latak ng virus.
Kaya rin daw siguro mataas ang CT value ng nasabing pasyente ay dahil nasa “recovering stage” pa lang siya mula sa COVID-19.
Ipinadala na raw sa PGC ang samples ng nasabing kaso, pero hindi pa tiyak kung masasali ito sa genome sequencing.
Sa ngayon hindi kasali ang CT value sa mga detalyeng nakasaad sa laboratory results.
“Pero ngayon hinihingi na natin because that’s important to gene sequencing.”