LEGAZPI CITY- Patay ang isang ginang matapos itong magtamo ng mahigit 20 tama ng saksak mula sa suspek na dati nitong live-in partner sa Barangay Panarayon, Bacacay, Albay.
Ayon kay Police Major Irvin Bellen, hepe ng Bacacay Municipal Police Station sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, umuwi sa bahay nito ang biktima mula sa pinapasukang trabaho sa lungsod ng Legazpi upang ipagdiwang ang kaarawan ng anak.
Sa kasagsagan ng selebrasyon ay bigla umanong kumatok ang suspek sa tahanan ng dati nitong live-in partner at biglang sinaksak ang biktima.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na labis ang kalasingan ng suspek ng mangyari ang krimen dahil galing ito sa pakikipag-inuman.
Ayon kay Bellen, kahit noong nagsasama pa ang dalawa sa iisang bubong ay madalas itong magselos lalo pa at dalawang anak ang biktima sa dati rin nitong kinakasama.
Nabatid rin na dati nang may kinakaharap na kaso ang suspek dahil sa paglabag sa Republic Act 7610 o o Anti-Child Abuse Law dahil madalas nitong saktan ang anak ng biktima, na isa umano sa naging rasong ng paghihiwalay ng dalawa.
Samantala, nakatakda namang isailalim sa counseling ang mga anak ng biktima na nakasaksi sa insidente dahil sa matindi umano ang trauma na sinapit ng mga ito.