TACLOBAN CITY – Nasa kritikal na kondisyon ang isang menor de edad habang ang kaniyang nanay ay nasawi matapos pagtatagain ang mga ito ng isang rapist sa Brgy. Villaconzoilo, Jaro, Leyte.
Ayon kay PLT Hazel Vacal, tagapagsalita ng Leyte Police Provincial Office (LPPO), papunta sana sa kanilang bukirin ang 33-anyos na ina kasama ang kaniyang anak nang bigla itong harangin ng hindi pa nakikilalang suspek.
Bigla na lamang daw hinablot at pinaghahalikan ng suspek ang biktima at nang subukang sumigaw at humingi ng saklolo ng babae ay bigla itong tinaga sa kaniyang leeg dahilan ng kaniyang agarang pagkakamatay.
Matapos na mawalan ng malay ay hindi pa nakuntento ang suspek at hinalay pa ang biktima.
Hindi rin nakaligtas ang menor de edad at pinagtataga ito ng suspek pero maswerte namang nakatakbo at nakahingi ng saklolo.
Sa ngayon ay patuloy na nilalapatan ng lunas ang bata matapos makapagtamo ng maraming taga sa katawan.