Buhay pa umano ang pag-asa ng Team Pilipinas na mag-qualify sa Tokyo Olympics sa susunod na taon.
Ito ay sa kabila na meron ng dalawang talo ang Gilas sa nagpapatuloy na FIBA Basketball World Cup.
Lumutang ang naturang scenario makaraang matalo rin kahapon ang host country sa national team ng Poland ng isang puntos lamang.
Sa ngayon nasa 1-1 na ang record ng China at kailangan nilang manalo bukas kontra sa Venezuela upang makahabol pa rin sa pitong Olympics slots na ang isa ay nakalaan sa isang Asian country.
Nanganganib din kasi ang kalagayan ng China kung uusad ba sa next 16 teams sa FIBA.
Kung manalo naman ang Pilipinas sa Angola sa Miyerkules ng hapon, at matalo ang China ay maari umanong makapasok ang Pilipinas sa prestihiyosong Olimpiyada.
Liban dito, meron isa pang paraan na mapabilang ang national team sa pamamagitan ng Olympic Qualifying Tournament (OQT) kung mangunguna sa nalaglag na 16 na teams na natira sa classification stage ng FIBA.
Sa pagbabago raw kasi ng FIBA rules dito kukunin sa OQT ang huling apat na slots pa.
Ang Team Japan ay otomatic na kasing may slot dahil sa pagiging host country.