KORONADAL CITY – Abot-langit ang pagkadismaya at galit ng marami sa mga konsehal na dumalo sa isinagawang halalan kaugnay sa pagtitipon ng mga ito sa Philippine Councilors League (PCL).
Tila isang circus rin ang nangyari dahil ilan sa mga hindi na makapagpigil na mga konsehal ay inakyat pa ang stage at inagaw ang mikropono ng bandang tumutugtog.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Councilor Junette Hurtado, hindi umano nila masisisi ang ginawa ng ilang mga konsehal lalo na’t karamihan sa kanila ay nagmula pa sa iba’t-ibang bahagi ng bansa upang dumalo sa nasabing aktibidad ngunit naaksaya lamang umano ang kanilang panahon at pera ng bayan.
Dagdag pa nito na hindi pa sila nakakain at pagod na sa matagal na oras na pagtayo sa kanilang pila.
Salaysay ni councilor Hurtado na wala rin silang natatanggap na anumang updates dahil walang opisyal ang nagbibigay ng impormasyon kaugnay sa isinasagawang halalan.
Umuwi rin ang ibang konsehal dahil na rin sa pagod, gutom, at pagkadismaya.
Bandang alas 8 ng gabi na rin umano nang idineklara ang failure of elections na lalong ikinadismaya ng karamihan.