Ipinagmamalaki ni PNP chief PDGen.Ronald Dela Rosa na sa ilalim ng kaniyang pamumuno nanumbalik ang tiwala ng publiko sa mga pulis.
Aminado si Dela Rosa na nawalan ng tiwala ang publiko sa mga pulis dahil sangkot ang ilang mga tiwaling pulis sa mga iligal na aktibidad, gaya na lamang sa pagkakasangkot sa iligal na droga at kidnap for ransom group.
Partikular na tinukoy ni Dela Rosa ang nangyaring insidente sa Caloocan na kinasasangkutan ng mismong mga pulis na naging dahilan sa pagkakapatay sa ilang menor-de-edad sa inilunsad na anti-illegal drugs operations.
Ayon kay PNP chief,mahirap na hakbang na hulihin muli ang tiwala at kumpiyansa ng publiko.
Aniya, bilang pinuno ng pambansang pulisya siya mismo ang lumalapit sa publiko at ipinaramdam sa kanila na hindi masama ang mga pulis.
Giit ni PNP chief na maraming natutunan o lessons learned ang PNP sa pagsabak nila sa kampanya kontra iligal na droga.
Sa unang taon nila, naging masigasig at gigil na gigil ang mga ito sa pagtugis sa mga drug personalities.
Naging kontrobersiyal din ang kanilang Oplan Tokhang kung saan nasa milyong mga drug personalities ang sumuko.
Samantala, ngayong balik na naman sa ikatlong pagkakataon ang PNP sa kampanya kontra iligal na droga,target ni Dela Rosa na magkaroon ng malakas na impact sa mga drug lord ang kanilang kampanyan kontra droga.