-- Advertisements --

(Update) LEGAZPI CITY – Kumpirmasyon umano ng panibagong pressure sa loob ang dahilan ng dalawang phreatic eruption na naitala sa Mayon volcano ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Dakong alas-6:27 kaninang umaga nang magkaroon ng phreatic eruption sa bulkan na umabot ng 300 metro ang taas ng abo, habang naitala rin kahapon ng alas-8:11 nang umaga ang kalahating kilometrong taas ng “grayish ash plumes.”

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, patuloy ang pamamaga sa tuktok habang tumataas din ang gas content na ibinubuga.

Kahit walang pag-ulan, makikita aniya ang pagguho ng ilang bato kung saan nagkaroon ng dalawang rockfalls sa magdamag dahil sa presensya ng tubig na napapakuluan ng mainit na inilalabas na material at gas.

Mas matingkad din ang kulay ng crater glow tuwing gabi, habang bumalik sa dark gray ang kulay ang abo kung ihahambing sa kulay puti nang usok noong Nobyembre 2018.

Nag-abiso naman si Solidum na iwasan ang human activity sa danger zones lalo na sa panahon ng Holy Week dahil inaasahan ang mga posible pang phreatic eruptions.