-- Advertisements --

Bibiyahe na patungong World Boxing Super Series bantamweight finals si Naoya Inoue makaraan nitong patulugin ang kalabang si Emmanuel Rodriguez sa pamamagitan ng knockout.

Sa kanilang semifinal clash nitong Sabado sa SSE Hydro sa Glasgow, Scotland, tinapos ng ngayo’y triple-division champion ang bakbakan nila ni Rodriguez sa loob lamang ng dalawang rounds.

Noong Oktubre, kinailangan lamang ni Inoue ng 70 segundo upang patumbahin ang dating bantamweight titlist na si Juan Carlos Payano sa Japan.

Makakatunggali ng Japanese boxer sa finals si four-division champion at two-time bantamweight titlist na si Nonito “Filipino Flash” Donaire, na nasa ringside.

“He came in here and did what he needed to do,” wika ni Donaire. “This is the moment we’ve been waiting for. We both felt it was our destiny and this is what boxing is all about—the best fighting the best.”

Kumpiyansa naman si Inoue na makakaya niyang magapi si Donaire, na tinawag din nito bilang isang “terrific fighter.”

“He can box well, he can punch well. I am confident I will beat him, although I’m not quite sure of my strategy just yet,” ani Inoue.