ROXAS CITY – Dumaranas umano ngayon ng matinding trauma ang isang indibidwal na tubong Brgy. Sto. Angel, Dumalag, Capiz matapos mapagkamalang lider ng rebeldeng grupo na inaresto at sinilbihan ng apat na warrants of arrest ng mga otoridad sa Poblacion Tacas, Cuartero, Capiz.
Ayon kay Baltazar Saldo, hindi nito sukat akalaing huhulihin siya ng mga miyembro ng Police Regional Office (PRO)-6, Regional Intelligence Division at Philippine Army 61st Infantry Battalion sa kasong hindi niya naman ginawa.
Kasunod ng pagpapalaya kay Saldo, kaagad itong dumulog sa tanggapan ng Cuartero Municipal Police Station at ipina-blotter ang maling pag-aresto sa kaniya at pagpresenta pa sa harap ng media sa PRO-6.
Samantala, inihayag naman ni Col. Joem Malong, tagapagsalita ng PRO-6 na sa kabila ng pagpapalaya na kay Saldo ay hindi pa nila makukumpirmang “mistaken identity” nga ang nangyari.
Ito ay dahil mayroon naman umanong witness na nakapagturo kay Saldo na lider ng rebeldeng grupo.
Nabatid na sa isinagawang validation, lumabas na napagkamalan lamang si Saldo na si Virgilio Paragan, commanding officer ng Roger Mahinay Command, Komiteng Rehiyon-Negros ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) noong 2000 hanggang 2004 na matagal nang pinaghahanap ng mga otoridad.