CENTRAL MINDANAO – Tinungo ni Govenor Nancy Catamco isang bagong diskubreng potential tourism attraction sa bayan ng Alamada sa Cotabato na matatagpuan sa Sitio Kitob, Barangay Bao na pinangalanang “Pampag Eco-Park.”
Pinaka-atraksyon sa eco-park na ito ang river boating.
Kaya kasama si chairman Macario Pampag Sr. at Cong. Joel Sacdalan, ‘di nag-aksaya ng panahon si Catamco at sinubukan ang adventure sakay ng de-makinang bangka.
Panay “eow” ang komento ng gobernadora at mambabatas dahil sa kamangha-manghang tanawin sa looban habang papasok sa ilog.
Tanaw mula sa bangka ang matataas na bangin, iba’t ibang anyo at hugis ng mga bato sa gilid na inukit ng tubig, napakaberdeng kulay ng mga halaman at kahoy sa paligid, mga ugat ng punong kahoy na tila iskulturang nililok ng kalikasan at ang maliliit na talon.
Hindi maipagkakailang nag-enjoy ang mga opisyal sa nasabing attraction.
Sinabi nitong, “salamat sa pag-share ng napakagandang tanawing ito para sa probinsya. Kung may Mekong River ang bansang Vietnam, meron din tayong maipagmamalaki rito sa Bao, Alamada. Ang Provincial Government at ang bayan ng Alamada ay gagawa ng paraan upang makahanap ng pundo mula sa Department Of Tourism (DOT) sa tulong ni Cong. Joel Sacdalan para mapalago ang eco park na ito.”
Binati naman ni Cong. Sacdalan ang mga opisyales ng Barangay Bao dahil sa pagkakaroon ng magandang tanawin sa kanilang lugar.
Pinaalalahanan din nito ang kahalagahan ng pagmantina ng kalinisan at ang safety ng mga pumupunta bilang isang tourism site.
Laking pasasalamat naman ni Chairman Pampag Sr. sa matagumpay na pagbisita ng governor at congressman.
Samantala positibo naman si Alamada Toursim Officer James Estoya, na matutulongan ng gobernador ang nasabing eco-park.
Isa na naman umano itong dagdag na tourism site sa bayan ng Alamada, at makakatulong ito na magkakaroon ng kita ang barangay at ang munisipyo, at makapagbibigay ng trabaho sa mga taga-Bao.
Kasama rin sa pagbisita si Provincial Tourism Officer Josephine Abellana, PDDRM head operation and warning section Arnolfo Villaruz, Engr. Eduardo Calamba ng Provincial Engineering Office, PD PCol. Henry Villar, COP Major Sanny Leoncito, Alamada Rescue Team.