-- Advertisements --

Iginiit ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na hindi umano overacting ang deployment ng nasa 400 sundalo na magbibigay seguridad sa nalalapit na 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Ayon kay Lorenzana, hindi baleng maraming mga security at government forces ang naka-deploy dahil ang mahalaga ay matiyak na ligtas ang mga manlalaro at maging ang mga manunuod.

Sa 400 AFP personnel na ipapakalat, 127 dito ay binubuo ng mga atleta at coaches, mga miyembro ng emergency preparedness and response teams at security personnel mula sa AFP Regular at Reserve Forces.

“Very important kasi meron na ngang, meron na diyan PNP, diba naglagay na sila ng sa kanilang palagay ay sapat but we still need augmentation, mas mabuti na yung magsobra tayo ng security kesa magkulang, so nag-ambag na yung Armed Forces ng security sa loob, so its very important yung contribution ng AFP sa security ng Southeast Asian Games,” pahayag ni Sec. Lorenzana.

Giit ng kalihim, walang na-monitor na banta ang mga otoridad na posibleng maglunsad ng pananabotahe.

Aniya, ang AFP ay magsisilbing “augmentation force” ng PNP sa anumang kaganapan.

Ayon kay Secretary Lorenzana mahalaga din ang papel ng AFP sa SEA Games.

Aminado ang kalihim na may mga ipinatupad silang precaurionary measures para hindi magkaroon ng pagkakataon ang teroristang grupo na maghasik ng karahasan lalo na at napatay ang ISIL leader na si Abu Bakr Al-Baghdadi.

“Kasama yan sa mga precautionary namin, precautionary measures na we are, we, although we do not see the likelihood pero mabuti na ang nakahanda diba, kasama yan sa ating ginagawa kaya nga mahigpit yung ating seguridad sa loob ng mga events, venues na hindi kahit, hindi naman basta sino-sino ang nakakapasok, we will see to it that all people that gets in are authorized or yung mga nanonood lang ay i-search sila, wala silang daladalang kung anu-anong pwedeng panggulo,” wika ni Lorenzana.