BAGUIO CITY – Proud at labis na nagpapasalamat ang Pinoy pride na si Marcelito Pomoy sa kanyang 4th place (3rd runner-up) win sa America’s Got Talent: The Champions.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Marcelito, masaya itong nagkwento sa kanyang naging unforgettable at life-changing experience sa international stage.
“Sobrang saya ko sa mga nangyari sa akin ngayon lalo sa America’s Got Talent. Kasi siyempre nakilala ako hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo. Sobrang proud ako sa sarili ko bilang isang Pilipino. Hindi ko naman akalain na makakasama ako doon sa contest ng America’s Got Talent, ako na isang Pilipino, na isang purong Pinoy.”
Ayon sa 35-year-old singer, hindi nya makakalimutan ang lahat ng mga nakikilala niya sa AGT.
May nakikita rin umano itong pagkakatulad sa kanila ng grand champion ng kompetisyon, ang grupo na V Unbeatable mula sa bansang India.
“Ang hinding-hindi ko makakalimutang experience sa America’s Got Talent, siyempre yung mga contestant na mga nakahalubilo ko. Lalo na ‘yung V Unbeatable, kasi sila yung nanalo. Kumbaga yung mga batang yun, kaparehas ko rin ng buhay noon. Siyempre yung mga judges (rin na) talagang namangha sa akin.”
Sinabi rin nitong wala naman siyang anumang pinagsisisihan sa naging resulta ng kompetisyon.
Naniniwala itong isang napakalaking biyaya na ang naibigay sa kanya ng AGT.
“Wala akong pinanghihinayangan sa kompetisyon. Kung tayo sana ang nanalo, mas maganda sana. Pero for me, masaya na ako sa nangyari sa buhay ko ngayon. Kung ano ang binigay sa akin ng Diyos, ipinagkaloob sa akin, tanggap ko ito kung ano ang meron. Kung hindi din naman dahil sa America’s Got Talent, hindi ako makikilala sa buong mundo.”
Inamin rin nitong mula noong audition niya ay marami na ang gustong kumuha sa kanya.
“Noong una pa lang, noong audition pa lang, andami-dami ng kumuha sa akin na international shows kaya sobrang pasasalamat ako.”
Ibinahagi rin nitong may ilan siyang kantang pinagpilian para sa Finals pero hindi ito napagbigyan dahil sa kakulangan sa oras.
“Sa totoo lang, binigyan ko sila ng mga kanta na mas maganda. Yung pinili nila ay “Beauty and the Beast.” Pero ang gusto kong kantahin, yung “We are the World,” yung “Phantom of the Opera,” “I Believe in You” by Il Divo, and “Hallelujah” by Pentatonix, pero masyado ng maiksi yung oras.”
Sinabi rin nito sa Star FM na ngayong tapos na ang AGT, bukas siya sa anumang oportunidad na ibibigay sa kanya.
“Susunod sa plano ko sa career ko, tatapusin ko muna itong mga obligasyon dito ngayong taong ito. Hopefully kung anong mga opportunity ang binigay sa akin, maghihintay na lang din ako.”
Nagpasalamat naman ito sa lahat ng mga sumuporta sa kanya sa kompetisyon.
“Ang masasabi ko lang, maraming maraming salamat sa lahat ng mga sumusuporta at naniniwala sa talento ko, dahil kahit hanggang sa huli, nandiyan sila para lumaban para sa akin. Ginawa ko lang lahat, ginawa ko na ang best ko. Sobrang proud ako dahil hindi ko akalaing maraming tao ang nakakasubaybay at nagmamahal sa akin,” masaya pang kuwento ni Pomoy sa Bombo Radyo Philippines.
Kung maaalala sa awarding ceremony nitong araw ng Martes ay inawit ni Pomoy ang “We Are The Champions” ng Queen.