Hindi napigilang maging emosyunal at maiyak ng presidente ng Samahang Weighlifting ng Pilipinas (SWP) Monico Puentevella habang ini-interview ng Bombo Radyo Philippines matapos ang malaking panalo kagabi ni Hidilyn Diaz sa 55kg women’s weightlifting sa Tokyo Olympics.
Ang dati rati’y ay energetic at madaldal na kausap na si Puentevella ay halos walang masabi at pautal-utal na lamang na nagkwento sa likod ng madramang face off kagabi ni Hidilyn laban sa mahigpit na karibal at dating world champion mula sa China.
Habang emosyunal at nagpapahid ng luha, ibinulalas ni Puentevella na 17 taon na rin si Diaz bilang kanyang atleta at maraming hirap ang dinanas, kasama na ang apat na Olimpiyada.
Dugo at pawis umano ang pinuhunan ni Diaz para marating ang rurok ng tagumpay ngayon.
Inamin nito na halos wala pa rin siyang tulog mula pa kagabi at “napakasarap” daw ng pakiramdam na ang laban ni Diaz ay para sa bayan.
Sa wakas nakamit din ng bansa ang napakailap na gintong medalya matapos ang halos 100 taon na kampanya sa Olimpiyada.
Aniya, dahil daw sa tagumpay na ito maging siya man ay iniisip na ring magretiro.