VIGAN CITY – Mayroon pang mahigit isang buwan ang isang alkalde sa Ilocos Sur na makapagsilbi sa kaniyang natitirang termino matapos itong mapatalsik at pabalikin ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa puwesto.
Ito ay matapos na maabsuwelto sa kinakaharap na dalawang bilang ng kasong graft na naihain sa Sandiganbayan Fifth Division si Lidlidda Mayor Jesus Sagay.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, mismong ang legal officer ng DILG Region 1 na si Atty. Joseph Apolonio at DILG-Ilocos Sur Provincial Director Virgilio Sison ang sumama kay Sagay sa opisina nito upang pormal na italaga bilang alkalde ng Lidlidda sa natitirang higit na isang buwan.
Ito’y bago siya palitan ng nanalong alkalde noong May 13 midterm elections na si Sherwin Tomas.
Si Sagay ay natanggal sa puwesto, isang buwan matapos ang 2016 elections kung saan ito nanalo, pero dahil sa kasong naisampa laban sa kaniya at base sa 33 pahinang desisyon ng anti-graft court na isinulat ni Associate Justice Geraldine Faith Econg, napatunayang not guilty ang opisyal sa ibinibintang sa kaniya na paglabag sa Section 3(e) at 3(h) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Nag-ugat ang kaso ng opisyal dahil sa pagpayag umano nito na magpatayo ang kaniyang mga kapatid ng farm sa lupa na hindi na sakop ng demo farm at hindi pinayagan ng Sangguniang Bayan.
Dahil dito, naakusahan ang dating opisyal na nagbigay ng hindi pinapayagang benepisyo para sa kaniyang mga kapatid na nakasira sa operasyon ng local government unit na hindi naman napatunayan ng prosekusyon.