KALIBO, Aklan – Umupo na sa kanyang opisina bilang halal na alkalde ng Malay, Aklan, si Ceciron Cawaling.
Ito’y sa kabila ng abiso ng Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi nila ito pinayagang bumalik sa munisipyo.
Ito ay batay sa hawak niyang mga dokumentong may kinalaman sa resulta ng eleksyon noong Mayo 13, 2019.
Kaugnay nito, agad din siyang nagpalabas ng Memorandum Order sa lahat ng mga department heads at mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Malay hinggil sa kanyang pagbalik bilang alkalde.
Samantala, nagbunyi naman ang mga supporters ni Cawaling kung saan sinamahan pa siya ng mga ito papasok ng munisipyo.
Una rito, nakatanggap ng abiso ang DILG-Aklan mula kay DILG Regional Director Ariel Iglesia na nagsasabing hindi makakaupo si Cawaling dahil muling ipinatupad ang perpetual disqualification order sa kanya ng Ombudsman.
Ngunit nanindigan si Cawaling na may bago siyang mandate sa taongbayan kung saan ipinroklama siya ng Commission on Elections na nanalo at nakapanumpa na rin sa kanyang tungkulin.
Nabatid na sa 17 opisyal ng Aklan na kinasuhan ng DILG, si Cawaling at ang business licensing division head na si Jen Salsona lamang ang sinibak ng Ombudsman.
Ang kasong grave misconduct at iba pa ay nag-ugat sa umano’y kapabayaan ng mga opisyal na nagresulta sa pagkasira ng tanyag na isla.