-- Advertisements --
AKG

Sangkot sa iligal na operasyon ng POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) sa Pampanga ang napatay na dalawang suspected Chinese kidnappers sa ikinasang operasyon ng PNP-AKG (Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group) at Criminal Investigation and Detection Group kaninang umaga sa may bahagi ng Forest Park, Angeles City.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP-AKG Central Luzon chief Lt Col. Villaflor Bannawagan, sinabi nito na ang kanilang operasyon kanina ay konektado sa pagkaka-rescue sa tatlong Chinese national noong June 1 at pagkakaaresto sa dalawang Chinese kidnappers noong June 6.

Nasa proseso pa rin sa ngayon ang PNP-AKG para tukuyin ang identity ng dalawang napatay na Chinese at may posibilidad na mga “John Doe” ito na kanilang nasampahan na ng kaso.

Sinabi ni Bannawagan, ang mga nailigtas na Chinese ang nagbigay ng impormasyon hinggil sa kanilang kidnappers kaya nagkaroon ng magandang tiyempo kanina ang mga tropa at ikinasa ang operasyon.

Dagdag pa ni Bannawagan na ang tatlong Chinese na kanilang na-rescue ay ibinenta sa isang POGO na iligal na nag-o-operate sa Pampanga ang siyang nagbigay ng impormasyon, dahilan na ikinasa ang operasyon kanina.

Samantala, nasa stable na kondisyon na rin ang police official na nasugatan sa engkuwentro na si P/Capt. Mike Diaz na tinamaan sa paa.

Ayon kay Bannawagan, hindi tumitigil ang PNP-AKG sa pagkilos sa kabila ng coronavirus crisis na kinakaharap ng bansa.

Giit ng opisyal, sumusunod sila sa safety protocol para hindi sila mahawaan lalo na at mga Chinese ang target ng kanilang operasyon.