Kinumpirma ni PNP chief Gen. Debold Sinas na sangkot umano sa GenSan bombing ang mga suspeks na Dawlah Islamiyah members na napatay matapos makipagsagupaan sa mga otoridad.
Una nang napatay nang pinagsanib na pwersa ng PNP at AFP ang apat na napatay na miyembro ng local terrorist na Maguid group sa T’Boli, South Cotabato.
Ayon kay Sinas, nakasagupa ng mga police commando na Special Action Force (SAF) ang mga ISIS-inspired Dawlah Islamiyah terrorist group.
Sa report ni PNP SAF director Maj.Gen. Bernabe Balba kay PNP chief, tatlong magkahiwalay na warrant of arrests ang isinilbi ng mga pulis laban sa mga suspeks na nahaharap sa two counts of murder, direct asault at frustrated murder.
Sa kabilang dako, ayon naman kay 6th Infantry Division commander Maj. Gen. Juvymax Uy, nagsanib pwersa ang mga tauhan ng SAF at mga kagawad ng 5th Special Forces Battalion kung saan target ng mga ito ang apat na local terrorists group members.
Umigting umano ng 20 minuto ang palitan ng putok na ikinasugat ng apat na terorista.
Agad naman silang isinugod sa pinakamalapit na hospital subalit idiniklarang dead on arrival ng attending physician.
Ayon kay Gen. Uy, target sa nasabing operasyon ng mga government forces sina Harudin Macabangin, Norhan Macabangin, Baharan Macabangin at Moin Macabangin.
Ang naturang mga personalidad ay may standing warrant of arrest.