-- Advertisements --

Kinumpirma ni PNP chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa na ang napatay na  Malaysian bomb expert at teroristang si Zulkifli Bin Hir alias Marwan ang nagkasal sa bundok kina P/Supt. Maria Cristina Nobleza at Rennour Lou Dongon.

Sinabi ni Dela Rosa na kapwa na niya nakausap sina Nobleza at Dongon pero hindi sila magkasabay.

Ayon kay Dela Rosa, nakuwento sa kaniya ni Nobleza na sila ay ikinasal ni Dongon at ang nag-officiate rito ay si Marwan.

Nanindigan umano si Nobleza na siya ay agent na nagtatrabaho sa binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

At ang ginawa raw niyang pagsama kay Dongon sa Bohol ay para pabanguhin muli ang pangalan nito sa mga bandidong Abu Sayyaf ng sa gayon ay makakuha muli siya ng impormasyon ukol sa mga planong terroristic activities ng ASG.

Hindi naman sinabi ni PNP chief kung ano ang naging dahilan bakit nawalan ng tiwala ang Abu Sayyaf kay Dongon.

Aniya, nakikinig lamang siya sa mga sinasabi ni Nobleza, pero giit ni Dela Rosa na may alam din sila tungkol sa police colonel na hindi muna nila pwedeng sabihin.

Kapwa nakakulong ngayon sa Kampo Crame sina Nobleza at Dongon matapos maaresto sa Bohol dahil sa tangkang pag-rescue sa isang sugatang ASG member na si alias Saad.

Sa panig naman ni Dongon ng kaniyang kausapin, kinumpirma raw sa kaniya ng 25-anyos na bomb expert na “mahal na mahal” niya si Nobleza at “in love na in love” siya rito.

Giit daw nito, hindi niya pakakasalan si Nobleza kung hindi niya ito mahal.