Biniberipika muna ng National Security Council ang napaulat na durog at patay na corals na nadiskubreng nakatambak sa Sandy Cay 2 bago gumawa ng aksiyon ayon kay assistant director general Jonathan Malaya.
Aniya, mag-iimbestiga muna sila at aalamin kung ano talaga ang nangyari dahil baka sabihin nanaman ng iba na gumagawa ng political drama na gawa-gawa lamang.
Una ng nadiskubre ang tambak na durog na corals na halos kasing taas ng tao sa may Sandy Cay 2 malapit sa Pag-asa island noong Setyembre 22.
Isa ito sa apat na Sandy Cays kung saan regular na namamataan ang mga barko ng Chinese maritime militia at Chinese Coast Guard.
Matatandaan din na iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) kamakailan na lubhang napinsala ang marine environment at coral reef sa seabed ng Rozul Reef at Escoda Shoal sa West Philippine Sea.
Nadiskubre ito ng magsagawa ng maritime patrols ang mga barko ng PCG matapos umalis sa lugar ang nagkumpulang mga Chinese maritime militia vessels mula Agosto 9 hanggang 11.
Bunsod nito, ikinokonsidera ng Office of the Solicitor General na magsampa ng bagong reklamo laban sa China sa Permanent Court of Arbitration sa gitna ng napaulat na pinsala sa corals.
Sa panig naman ng China, itinanggi nito ang alegasyon na ang mga barko nito ang responsable sa pagkasira ng mga bahura sa West PH Sea at iginiit na wala umanong katotohanan o basehan ang mga paratang laban sa kanila.