Iniimbestigahan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang napaulat na insidente ng pag-recruit sa mga Pilipino para magtrabaho bilang scammers sa ibang bansa.
Ayon kay DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac, ipinag-utos na ni Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople ang pagbibigay ng assistance sa 12 nasagip na overseas Filipino workers (OFWs) mula sa crypto currency scam gaya ng airport, accommodation, legal, financial at psychosocial counseling assistance.
Una ng isiniwalat ni Senator Risa Hontiveros sa kaniyang privilege speech sa Senado ang ginagawang human trafficking scheme at investment fraud ng “Chinese mafia” na nasa likod umano ng pagrerecruit sa mga Pilipino para maging scammers sa Myanmar.
Pagtitiyak pa ng Migrant workers official na maigting na aniyang nakikipag-ugnayan ang ahensiya sa opisina ni Sen. Hontiveros, sa law enforcement at Department of Foreign Affairs (DFA) para matugunan ang naturang isyu.