Pinaiimbestigahan ni Senadora Risa Hontiveros sa Committee on National Defense and Security ang napaulat na paggamit ng mga dayuhan ng mga peke o ilegal na dokumento para magpanggap bilang mga Pilipino.
Sa gitna na rin ito ng napaulat na pagdagsa ng mga estudyanteng Chinese sa ilang unibersidad sa lalawigan ng Cagayan na gumagamit ng mga kwestiyonableng credentials.
Sa proposed Senate resolution No. 1001, hinimok ni Hontiveros ang komite na pinamumunuan ni Senador Jinggoy Estrada na siyasatin ang presensya ng mga dayuhan sa iba’t ibang lugar sa bansa na posibleng banta sa ating national defense.
Ayon sa senadora, may karapatan ang publiko na maalarma dahil sa kaliwa’t kanan na pagbomba ng tubig ng China sa barko ng ating mga tropa sa West Philippine Sea.
Palaging bukas aniya ang bansa sa mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo na gustong mag-aral sa Pilipinas ngunit ibang usapin kapag peke na ang papeles na ginagamit upang masabing nakapag-enroll sa mga paaralan sa bansa.
Samantala, binanggit din sa resolusyon ang isang insidente kung saan kinuwestiyon ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang mga residente ng Multinational Village sa Parañaque City dahil sa presensya ng malaking grupo ng mga foreign nationals di-umano’y nasa military formation, at nagja-jogging sa subdivision habang nakasuot ng itim na kasuotang pang-atleta, unipormeng pang-sports, at naka-military-style haircuts.
Iniimbestigahan na rin ngayon ng AFP ang napaulat na pagdagsa ng mga dayuhang estudyante na nag-eenrol sa Higher Educational Institutions sa Lalawigan ng Cagayan.