Kinukumpirma pa sa ngayon ng Philippine Navy ang mga ulat kaugnay sa umano’y mga namataan pipeline installation sa Bajo de Masinloc shoal.
Ito ang inihayag ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commo. Roy Vincent Trinidad kasunod ng iniulat ng team leader ng isang non-government organization na kabilang sa mga nagsagawa ng civilian mission sa Panatag Shoal hinggil sa umano’y nakita ng mga mangingisda na pipeline installation sa loob ng low-tide elevation ng naturang lugar.
Ayon kay Commo Trinidad, nakarating na sa kanilang ang mga ulat na ito at kasalukuyan na aniya silang nagsasagawa ng kaukulang confirmation ukol dito.
Paliwanag ng opisyal, maraming paraan ang maaari nilang gawin para sa kumpirmasyon nito kabilang na ang pagdedeploy ng mga barko, sasakyang panghimpapawid, satellite tracking, gayundin ang pakikipagtulungan sa iba pang mga kaalyadong bansa ng Pilipinas.
Kaugnay nito ay sinabi rin ni Commo. Trinidad na hindi pa nila matukoy sa ngayon ang mga posibleng naging paglabag ng sinuman hinggil sa paglalagay ng pipeline sa lugar sapagkat nagpapatuloy pa aniya ang kanilang ginagawang actual confirmation ukol dito.